Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $5 milyon para sa impormasyon tungkol sa pagpatay kay Avijit Roy at sa kasabay na pag-atake kay Rafida Bonya Ahmed sa Dhaka, Bangladesh.
Noong Pebrero 26, 2015, ang mga mamamayan ng Estados Unidos na ipinanganak sa Bangladesh at ang mag-asawang sina Roy at Ahmed ay bumibisita sa Dhaka upang dumalo sa isang eksibisyon ng mga aklat noong sila ay inatake ng mga hindi matukoy na mananalakay gamit ang mga itak. Si Roy ay tinaga hanggang sa mamatay. Nakaligtas si Ahmed sa mga kritikal na pinsala sa katawan, kabilang ang naputol na hinlalaki at maraming sugat sa ulo.
Bilang isang awtor, blogger, at aktibista, hinamon ni Roy ang pundamentalismo sa Bangladesh sa pamamagitan ng pagtaguyod sa kalayaan ng pagpapahayag ng sarili. Pinag-ugnay-ugnay niya ang mga pandaigdigang protesta upang ipalaganap ang kaalaman tungkol sa kalagayan ng mga nakakulong na ateistang blogger sa Bangladesh at siya rin ay isang kilalang kritiko ng paniniil sa lipunan. Siya ay pinuntirya at pinatay dahil sa kanyang tahasang pagpapahayag ng mga paniniwala at aktibismo.
Inamin ng Ansarullah Bangla Team (ABT), isang teroristang grupong taga-Bangladesh ang responsibilidad para sa pag-atake. Hinahangad ng ABT na gawing radikal ang mga kabataan upang patayin ang mga itinuturing nilang laban sa Islam. Hindi nagtagal pagkatapos, si Asim Umar, ang namatay na ngayong lider ng al-Qa’ida in the Indian Subcontinent (AQIS), ay nagpaskil ng malawak na ipinalaganap na video na nagsasabi na ang mga tagasunod ng AQIS, kabilang ang mga hindi pa inaaresto, ay ang responsable sa pag-atake kina Roy at Ahmed.
Noong Hulyo 1, 2016, itinalaga ng U.S. Department of State ang AQIS bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng Seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Noong nakaraan, noong Hunyo 30, 2016, itinalaga ng Department of State ang AQIS bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng AQIS na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa AQIS. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa AQIS.
Ang mga responsable sa pag-atake ay pinaniniwalang nasa Bangladesh.
