Ang Islamic State’s Khorasan Province (ISIS-K) ay isang teroristang grupong nakabase sa Afghanistan na nagsasagawa ng mga operasyon sa Afghanistan at Pakistan. Pangunahing binubuo ng mga dating miyembro ng Tehrik-e Taliban Pakistan, ng Afghan Taliban, at ng Islamic Movement of Uzbekistan, ang ISIS-K ay sumumpa ng katapatan sa ISIS noong 2015. Ang ISIS-K ay responsable sa pagbomba noong Hulyo 2016 sa isang mapayapang protesta sa Kabul kung saan namatay ang 80 katao at nasugatan ang 230. Noong Agosto 2016, inamin ng grupo ang responsibilidad para sa pagbaril at pagpapatiwakal na pagbomba sa isang ospital sa Quetta, Pakistan na pumatay sa 94. Inamin rin ng ISIS-K ang responsibilidad para sa pag-atake noong Mayo 2020 sa isang ospital sa panganganak sa Kabul na pumatay sa 24 katao, kabilang ang mga bagong silang na sanggol at kanilang mga ina.
Noong Enero 14, 2016, itinalaga ng U.S. Department of State ang ISIS-K bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Noong nakaraan, noong Pebrero 29, 2015, itinalaga ng Department of State ang ISIS-K bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng ISIS-K na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa ISIS-K.
