Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyong mauuwi sa paggambala sa mga mekanismong pampinansyal ng Hizballah. Si Ali al-Sha’ir ay nagsisilbi bilang tagapamahala ng opisina ng tagapinansya ng Hizballah na si Hasib Muhammad Hadwan at tumatanggap ng mga pinansyal na kontribusyon sa ngalan ng Hizballah mula pa noong 2000. Bilang bahagi ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa Hizballah, ginamit nina al-Sha’ir at Hadwan ang internasyonal na sistema ng pananalapi para maglipat ng pera sa Lebanon, habang ikinukubli ang tunay na dahilan sa likod ng paglikom ng pondo na nagpipinansya sa aktibidad ng teroristang organisasyon.
Noong Setyembre 17, 2021, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si al-Sha’ir bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni al-Sha’ir na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay al-Sha’ir. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa Hizballah, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).
