Mga Kuwento ng Tagumpay

Ramzi Ahmed Yousef (Nahatulan)

Pagbomba Gamit ang Trak sa World Trade Center noong 1993

Ang RFJ ay nagbayad ng gantimpalang $2 milyon para sa impormasyong nauwi sa paghuli sa teroristang taga-Pakistan na si Ramzi Ahmed Yousef. 

Si Yousef ang utak sa pagbomba gamit ang trak sa World Trade Center noong Pebrero 1993 sa Lungsod ng New York kung saan napatay ang anim na katao at nasugatan ang mahigit 1,000 iba pa. Sa ilang oras pagkatapos ng pagbomba, tumakas si Yousef sakay ng eroplanong patungong Pakistan. 

Muling lumabas si Yousef sa Pilipinas kung saan siya ay bumuo ng isang kumplikadong pagtatangkang terorismo. Pinlano ni Yousef na patayin si Pope John Paul II noong Enero 14, 1995 habang ang papa ay naglalakbay sa Pilipinas, at pasabugin ang 12 eroplano ng Estados Unidos sa Asya ilang araw pagkatapos. Ang pangkalahatang pagtatangka ay kilala bilang “Oplan Bojinka,” isang kataga na kapag isinalin sa salitang balbal na Arabe ay nangangahulugang “Operasyong Pagsabog” o “Operasyong Big Bang.”  

Bago nila maisagawa ang kanilang plano, si Yousef at ang kasabwat na si Abdul Hakim Ali Hashim Murad ay napilitang lisanin ang kanilang apartment sa Maynila noong Enero 6, 1995 noong ang kemikal na sangkap ay lumikha ng isang ulap ng usok na tumagos sa labas ng bintana ng apartment. Sinabihan ni Yousef si Murad na bumalik sa apartment para kunin ang laptop na computer at iba pang makapagdadawit na ebidensya. Ngunit noong nakabalik si Murad sa apartment, kinompronta siya ng mga pulis na nakarating na sa eksena. Si Yousef, noong maisip na maaaring nahuli na si Murad, ay tumakas papuntang Pakistan. 

Noong Pebrero 1995, isang impormante na nakakita ng anunsyo ng RFJ sa isang matchbook at naudyukan ng posibilidad ng kabayarang gantimpala, ang nakipag-ugnayan sa Embahada ng Estados Unidos sa Islamabad, Pakistan at nagbigay ng impormasyon na nauwi sa pagkakahanap kay Yousef. 

Noong Pebrero 7, 1995, ang mga awtoridad ng Pakistan, sa tulong ng mga espesyal na ahente ng U.S. Department of State Diplomatic Security, ay inaresto si Yousef sa Islamabad at dinala siya sa Estados Unidos upang humarap sa paglilitis hinggil sa mga kasong terorismo. 

Mula Setyembre 1996 hanggang Enero 1998, si Yousef ay nilitis at hinatulan sa mga kasong nauugnay sa terorismo sa tatlong magkakahiwalay na paglilitis. Noong Enero 8, 1998, sinentensyahan siya ng pederal na hukom ng habang-buhay na pagkakabilanggo at dagdag na 240 na taon sa bilangguan. 

Skip to content