Sayf al-Adl

Malapit na Silangan – Hilagang Aprika at Gitnang Silangan

Gantimpala

Hanggang 10 milyong dolyar

Gawin ang iyong bahagi.

Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $10 milyon para sa impormasyon tungkol kay Sayf al-Adl. Si al-Adl ay ang nakakataas na lider ng al-Qa’ida (AQ) na nakabase sa Iran at miyembro ng konseho ng nakakataas na pamunuan ng AQ, ang Majlis al-Shura. Pinamumunuan din ni Al-Adl ang komiteng militar ng AQ.

Si al-Adl ay isinakdal at kinasuhan ng pederal na hurado ng Estados Unidos noong Nobyembre 1998 para sa kanyang papel sa mga pagpapasabog sa mga embahada ng Estados Unidos sa Dar es Salaam, Tanzania, at Nairobi, Kenya noong Agosto 7, 1998. Ang mga pag-atake ay pumatay sa 224 na sibilyan at sigutahan ang mahigit 5,000 pa.

Pagkatapos ng mga pagbomba sa Embahada ng Estados Unidos noong 1998, lumipat si al-Adl sa timog-silangang Iran at nanirahan sa ilalim ng proteksyon ng Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran. Noong Abril 2003, inilagay siya ng mga awtoridad ng Iran at ang iba pang mga lider ng AQ sa pagkakabilanggo sa sariling tirahan.

Noong Setyembre 2015, si al-Adl at ang apat na iba pang nakakataas na lider ng AQ ay pinalaya mula sa pagkakabilanggo sa Iran kapalit ng diplomat na taga-Iran na dinukot ng AQ sa Yemen.

Si al-Adl ay ang nakakataas na tenyente ni Abu Musab al-Zarqawi, tagapagtatag ng AQ sa Iraq, na pagkatapos ay naging Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Sa unang bahagi pa lamang ng 1990, si al-Adl at ang iba pang mga operatiba ng AQ ay nagbigay ng pagsasanay na militar at intelihensya sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Afghanistan, Pakistan, at Sudan, sa mga miyembro ng AQ at sa mga kaanib na grupo nito, kabilang ang Egyptian Islamic Jihad.

Noong 1992 at 1993, binigyan niya ng pagsasanay na militar ang mga operatiba ng AQ at mga tagatribong Somali na lumaban sa mga puwersa ng Estados Unidos sa Mogadishu, sa panahon ng Operation Restore Hope.

Bilang isang tenyenteng koronel sa mga espesyal na puwersa ng Egypt noong kalagitnaan ng dekada 80, naging bahagi siy ang mga pagsusumikap para mapabagsak ang pamahalaan ng Egypt. Noong 1987, siya ay inaresto kasama ang libu-libong militanteng laban sa pamahalaan pagkatapos ng pagtatangkang pagpatay sa Ministro ng Ugnayang Panloob ng Egypt. Pinalaya ng mga awtoridad at pagkatapos ay pinababa ang katayuan ni al-Adl, na noong 1989 ay naglakbay sa Afghanistan upang maging isang tagapagsanay para sa nagsisimula pa lamang mabuo na AQ.

Noong Setyembre 23, 2001, si al-Adl ay inilista sa Annex sa Executive Order 13224, at pagkatapos, siya ay sumailalim sa mga parusa sa ilalim nito bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista). Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni al-Adl na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay al-Asl. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa FTO na AQ. Si Al-Adl ay nasa Listahan ng mga Teroristang Mahigpit na Pinaghahanap ng FBI.

Skip to content