Ang Revolutionary Struggle (RS) ay nabuo noong 2003 pagkatapos ng mga pag-aresto sa mga miyembro ng dalawang iba pang Griyegong Marxistang grupo, ang 17 November at ang Revolutionary People’s Struggle. Isang radikal na Marxistang ekstremistang grupo, ang RS ay nagsagawa ng mga pag-atake laban sa parehong Griyego at Amerikano sa Greece. Unang nagkamit ng masamang kabantugan ang RS noong inako nito ang responsibilidad sa mga pagbomba noong Setyembre 5, 2003 sa Hukuman ng Athens sa panahon ng mga paglilitis sa mga miyembro ng 17 November. Inamin ng RS ang responsibilidad sa pag-atakeng gamit ang rocket-propelled na granada noong Enero 2007 sa Embahada ng Estados Unidos sa Athens at sa pagbomba sa sangay ng Citibank noong Marso 2009 sa Athens.
Noong Mayo 18, 2009, itinalaga ng U.S. Department of State ang RS bilang isang Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon) sa ilalim ng seksyon 219 ng Immigration and Nationality Act, ayon sa pagkakaamyenda nito. Pagkatapos, noong Setyembre 17, 2009, itinalaga ng U.S. Department of State ang RS bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian ng RS na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay sa RS. Isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa RS.
