Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $1 milyon para sa impormasyon tungkol kay Radullan Sahiron na kilala rin bilang si Kumander Putol. Mula pa noong 2005, si Sahiron ang naging pangkalahatang lider ng Abu Sayyaf Group na nakabase sa Pilipinas, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (FTO, Banyagang Teroristang Organisasyon).
Isinagawa ni Sahiron ang ilang gawang terorismo na kinabibilangan ng pagbomba sa mga sibilyan at mga pagdukot sa mga mamamayan ng Estados Unidos at ng ibang bansa.
Inutos ni Sahiron ang mga pagbomba sa Isla ng Jolo noong 2004 na pumatay sa 11 Pilipinong sibilyan at isang sundalong Amerikano at sinugayan ang mahigit 200. Ang ginawang aparatong pasabog na ginamit sa mga pagbomba ay unang binuo sa punong-tanggapan ni Sahiron sa Camp Tubig Tuh-Tuh, sa Isla ng Jolo sa Pilipinas. May ginampanang papel si Sahiron sa pagdukot sa tatlong mamamayan ng Estados Unidos at 17 Pilipino sa Dos Palmas noong 2001 mula sa isang panturistang resort sa Palawan, Pilipinas. Ilan sa mga bihag na kinabibilangan ng mamamayan ng Estados Unidos na si Guillermo Sobero, ay pinatay. Si Sahiron ay itinuring na pangunahing lider ng pagdukot noong Abril 2000 mula sa isang resort sa Sipadan, Malaysia. Si Sahiron ang at ang apat na iba pang miyembro ng ASG ay dinukot ang 21 dayuhang turista at empleyado ng resort, kabilang ang mga taga-Kanluran, taga-Malaysia, at Pilipino.
Si Sahiron ay may hinawakang ilang matataas na posisyon sa loob ng ASG. Noong 1999 pa lamang, isa siya sa 14 na miyembro ng Majlis Shura (konsehong sanggunian) ng ASG. Noong kalagitnaan ng 2002, nagsilbi siya bilang tagapayo ng lider ng ASG na si Khadaffy Janjalani. Bukod dito, si Sahiron ay may hinawakang ilang posisyon bilang pinuno sa mga mandirigma ng ASG sa Kapuluan ng Sulu ng katimugan ng Pilipinas. Mula 2000 hanggang 2003, si Sahiron ay may hinawakang iba’t ibang papel sa pamumuno ng ASG, kabilang ang lider ng iba’t ibang grupong Putol ng ASG na binubuo ng tinatayang 100 miyembrong nagpapatakbo sa Isla ng Jolo sa lugar ng Sulu ng katimugan ng Pilipinas; bilang puno ng ASG na nakabase sa Sulu na binubuo ng 18 armadong grupo; bilang Hepe ng mga Tauhan ng ASG sa Sulu; at bilang pangkalahatang komandante ng ASG sa Isla ng Jolo na may tinatayang 1,000 ganap na armadong tagasunod.
Si Sahiron ay maaaring nagtatago sa katimugan ng Mindanao o Patikul Jolo, Sulu, Pilipinas.
Noong Pebrero 27, 2007, si Sahiron ay isinakdal ng pederal na hukuman ng Estados Unidos at sinampahan ng kaso dahil sa pambibihag. Ang mga awtoridad ng Estados Unidos ay naglabas ng mandamiyento ng pag-aresto para sa kanya sa parehong petsa. Si Sahiron ay nasa Listahan ng mga Teroristang Mahigpit na Pinaghahanap ng FBI.
Noong Nobyembre 30, 2005, itinalaga ng U.S. Department of Treasury si Sahiron bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) sa ilalim ng Executive Order 13224. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni Sahiron na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay Sahiron. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa FTO na ASG.
