Ang Rewards for Justice ay naghahandog ng gantimpalang hanggang $5 milyon para sa impormasyon tungkol kay Ousmane Illiassou Djibo na kilala rin bilang si Petit Chapori at Khaled Foulani, para sa kanyang bahagi sa pag-atake sa Tongo Tongo, Niger noong 2017.
Si Djibo ay isang lider ng Islamic State of Iraq and Syria in the Greater Sahara (ISIS-GS) na nagpapatakbo sa Tehiyon ng Menaka sa Mali. Si Djibo ay isang malapit na kasabwat at pangunahing tenyente ng namatay na ngayong lider ng ISIS-GS na si Adnan Abu Walid al-Sahrawi (Abu Walid). Inutusan ni Djibo ang mga miyembro ng ISIS-GS na bumuo ng isang network para dukutin o atakihin ang mga taga-Kanluran sa Niger at sa mga nakapaligid na bansa. Si Djibo ay sumali rin sa maraming pag-atake sa mga lokal na puwersa. Pinamunuan niya ang mga mandirigma ng ISIS-GS sa pag-atake noong Hulyo 1, 2019 sa base ng Sandatahang Lakas ng Niger sa Inates, Rehiyon ng Tillaberi, Niger. Inutusan niya rin ang mga mandirigma ng ISIS-GS na bihagin ang anim na sundalong Nigerien sa panahon ng pananambang sa mga sundalong Nigerien na malapit sa Tongo Tongo noong Mayo 14, 2019.
Noong Oktubre 4, 2017, malapit sa Tongo, Tongo, Niger, inatake ng mga militanteng nauugnay sa ISIS-GS ang pangkat ng U.S. Special Forces na may tungkuling sanayin, payuhan, at tulungan ang mga puwersa ng Nigeria sa paglaban sa terorismo. Ang pag-atake ay nagresulta sa mga pagkamatay ng apat na sundalong Amerikano at apat na sundalong Nigerien. Dalawang karagdagang Amerikano at walong Nigerien ang nasugatan sa enkwentro. Noong Enero 12, 2018, inamin ng dating lider ng ISIS-GS na si Abu Walid ang responsibilidad sa pag-atake.
Noong Hunyo 28, 2021, itinalaga ng U.S. Department of State si Djibo bilang isang Specially Designated Global Terrorist (Espesyal na Itinalagang Pandaigdigang Terorista) alinsunod sa Executive Order 13224, ayon sa pagkakaamyenda nito. Bilang resulta ng pagkakatalagang ito, bukod sa iba pang mga konsekwensya, ang lahat ng ari-arian, at mga interes sa ari-arian, ni Djibo na sumasailalim sa hurisdiksyon ng Estados Unidos ay hinarang, at ang mga mamamayan ng Estados Unidos sa pangkalahatan ay pinagbabawalang makibahagi sa anumang mga transaksyong nauugnay kay Djibo. Bukod dito, isang krimen ang sadyang pagbibigay, o pagtatangka o pakikipagsabwatan upang magbigay, ng materyal na suporta o mga mapagkukunan sa ISIS-GS, isang itinalaga ng Estados Unidos na Foreign Terrorist Organization (Banyagang Teroristang Organisasyon).
